Kung meron mang lugar na hindi ko makakalimutan, isa na ang Jollibee, lipa downtown sa listahan ko. Hindi dahil sa paborito ko itong tambayan o dahil me nagdate sa 'kin dito o dahil me nakaaway ako. Kundi dahil Jollibee lipa downtown ang naging inspirasyon ko para magtrabaho ng husto.
Weird? Hindi naman gaano. May katwiran din naman ako kung baket Jollibee lipa ang naging inspirasyon ko. Nangyari kasi 'yon nung mga panahon na nagsisimula pa lang akong magtrabaho. Si kuya ay nasa Korea ng mga panahong 'yon. 'Yung bunso naman namin ay nasa kolehiyo pa lang. Si tatay ay isang welder sa talyer at ang nanay ko ay isang may bahay. Ako naman ay simpleng clerk slash muse lang sa opisina.
Ugali na sa bahay na pagkakarating galing sa school, trabaho, or kahit saan ay nagkkwento sa magulang. Parang reporting. Doon sa lamesa kung san kami kumakain. Don kami madalas magtawanan. Mas malimit nga kami don kesa sa sala e.
Nagkataon na 'nung araw na iyon ay kararating lang nina nanay galing ospital. Ang natatandaan ko, nagpacheck up ng tuhod nya si tatay kasi may rayuma. Kaya sa mga bihirang pagkakataon, sila naman ang magkukwento at ako naman ang makikinig. Kami pa lang ang tao sa bahay.
Sinimulan ni nanay ang kwento sa kung anong sabi ng doktor. Kung anong bawal. Kung anong mga gamot at kasabay na non na pagalitan nya si tatay sa sobrang katigasan ng ulo at paggawa ng bawal. At syempre, ako naman ang taga-segunda. Pinapagalitan ko din ang tatay ko. Normal na 'yon sa bahay.
Tapos sabi ko, "kumain ba kayo sa lipa?"
Oo naman daw sabi ng nanay ko. Sa me tagumpay mini-mart. Don kami kumakain non simula nung masunog ang palengke ng lipa nung third year highschool ako. Parang canteen lang sa taas ng isang supermarket.
"Halo-halo na naman? Hehehehehe!" sabi ko uli. Alam ko kasing un lang ang mejo "masarap" na pagkain don.
Oo daw sabi ng nanay ko. Sana daw ay sa Jollibee sila kakain. May pera naman daw sila. Kaya lang ay hindi sila marunong umorder. Baka mapahiya pa sila at magmukhang tanga. Nasa me harapan na sila ng Jollibee nung naisipan nilang don na lang sa alam nilang kainan kumain- sa tagumpay nga.
Ewan ko kung emosyonal lang ako. Pero nung marinig ko ang kwento ng nanay, nanikip ang dibdib ko. Parang lumulunok ako ng pingpong balls ng pagkakataon na 'yon. Ang hirap talagang maging mahirap. Jollibee lang hindi ko pa madala ang magulang ko.
Kaya simula non, tuwing suweldo ko ay ginagawaan ko talaga ng paraan na mai-date sila nanay. Kahit pa nga hirap akong magbudget. Okay lang un. Mas gusto ko 'yon kaysa naman lumunok uli ako ng pingpong balls.
Ngayon, marami-rami na din akong napagdalhan kila nanay. Marami na din kaming nakainan. Pero syempre nagsimula ang lahat sa Jollibee lipa downtown.
Kahapon, kumain uli kami sa Jollibee Santo Tomas naman. Si nanay na ang umorder. Value meals lang syempre. Pero sabi ng nanay ko; "Mayaman pa din ang pakiramdam ko kapag kumakain sa Jollibee."
Para pa din akong lumulunok ng pingpong balls pero mas masarap na pingpong balls na.
tumatanda pero nananatiling bata.
Subscribe to
Posts [Atom]