30 years old
Isang oras na lang at tutungtong na ako sa line of "3" ng buhay ko. Syempre naman.. papalampasin ko ba naman ang pagkakataon na sumulat tungkol don? Hindi noh! Journal entry 'yan sigurado.
Ano ba talaga pagkakaiba kapag 30 ka na? Bakit parang big deal na malapit ka ng mawala sa kalendaryo? Last day ng pagiging 29 ko ngaun at pamaya lang 30 na ako pero feeling ko wala namang maiiba. Buti pa dati, at least pagtumatanda ka nararamdaman mo na tumatangkad ka naman. Ngaun, ung marka ng height ko sa me pintuan namin e sa awa naman ng Diyos e 10 years na atang hindi nagbabago.
Ito na ata ung difference ng "growing" saka "maturing". Oo, maturing pa din. Di kasi ako naniniwala na me taong matured enough to stop maturing. Kaya nga life is a continous learning process e. Saka kaya nga kahit 'yung uugod-ugod na nasasabihan pa din ng "Napaka-immature mo naman!" O kahit nga magulang na, nasasabihan pa ng "Hirap talagang magpalaki ng magulang."
Kung babalikan ko ang buhay ko at ikokompare ko ang isip ko ngayon sa isip ko dati, masasabi ko na I have done fairly well sa 30 years na inilagi ko dito sa mundo. At hindi ako masasabihan ng (pahiram muna ng linya ni Bea) "Act your age!" kasi naman I'm acting my age. Teka, e pano ba ang tamang act ng 30 years old? Wala din yata akong malinaw na maisasagot.
Basta ang alam ko nagmamature ako. Hindi lang dahil naggagain na ako ng weight ngaun kahit panay ang diet ko, o dahil halata na laugh lines ko, o madalas ng sumasakit ang likod ko, o kaya hindi na ako tinatanong na "Miss, estudyante?" ng konduktor sa bus. Masasabi ko na nagmamature ako kasi iba na pananaw ko ngayon compared dati.
Noong 10 years old ako (grade 4 'yon), kauna-unahan akong nagkaroon ng line of 7 sa report card. Oo, 75%. Alam nyo kung saan? Sa character. Pero hindi ako ganong kaapekted. Ang mas inalala ko kung paano ko sasabihin sa nanay. Natatandaan ko pa, naglalaba si nanay noon sa me likod ng bahay namin. Syempre, diretso ako sa kanya para ipakita ang card ko. Sabi ko "Nay, di ako honor. 75 ako sa character pero mataas naman ako sa iba." Syempre kailangang sabihin ko na mataas ako sa ibang subjects para naman alam ni nanay na nag-aaral ako ng mabuti. Pero nagkamali ako. Lalo akong napalo. Di ko makakalimutan ang sabi ni Nanay. Sabi nya, "Mabuti pang sa ibang subjects ka naging 75 kesa naman sa character."
Di ko pa naintindihan 'yan dati. Kasi naman ang alam ko sa Character ay pagiging tahimik lang sa school. Kasi 'yong mga kakaklase kong tahimik 90% sa character e. Pero nung tumanda ako naisip ko na tama si nanay. Buti pa nga sana kung sa Math or Science or History ako naging 75. At least 'yon nakukuha sa pagrereview. Pero ang character, nagsisimula 'yan sa pagpapalaki ng magulang. At ang character pala e hindi lang 'yung hindi ka napapalista na maingay. Part pala 'yon ng pagdisiplina. Pakikibagay sa teacher. Sa kaklase. Ambabaw ko pala na isiping High character = laging naka-sit up straight.
Noong 20 naman ako (4th year college), halos hilahin ko ang oras para sa mga pangarap ko. Gusto ko ng grumaduate. Magtrabaho. Makabili ng kotse. Mabuhay mag-isa. Mag-asawa. Magkaanak. At lahat ng 'yan ay kailangan kong magawa bago ako tumuntong ng 24. Ang galing noh? Kala ko parang magic lang pero hindi pala. Iba na kapag nasa labas ka na ng eskwelahan. Doon mo mararanasan na hindi pala sapat ang diploma para makakuha ka ng trabaho na gusto mo. At kalimitan, magsisimula ka sa pinakamababa ng organization at bibilang ng taon at maraming swerte para maikonsidera ka para mapromote. Hindi din sapat ang sweldo mong makabili ng kotse at lahat ng luho sa buhay. Kasama ka pa nga sa mga taong ayaw magpadagdag ng singkwenta sentimos sa pasahe sa jeep e. At lalong hindi ganon kadaling mag-asawa. Iniisip ko, sa batch ko ng highschool at college kung may sa tingin ko ngayon e "husband/father material". Wala. Kahit 'yung crush ko dati hindi pa rin papasa e. Iba na talaga ang gusto ko. Nag-iiba talaga ang preference ng tao kapag "nagmamature". Kita mo nga, di ako kumakain ng ampalaya dati pero ngayon paborito ko na ang ampalaya con carne. Ganon din siguro ang preferences. Di ko na gusto 'ung mga pasweet at patweetums. Gusto ko na 'ung makakasama sa buhay, hindi lang sa gimikan. At 'yon nga mahirap maghanap ng ganon ngayon.
E anong pagkakaiba ng 20 years old sa 30? Di ko din alam, di pa nga ako 30 e. Basta ang alam ko kapag nalalapit ka na sa 30 nagiging lapitin ka na ng insurance. Parang gusto nilang sabihin na "Hoy! Malapit ka ng madedo. Mag-iwan ka naman ng something!" At concious ka na sa mga reunion nyo. Kelangan me maipagmalaki ka man lang na nabili mo sa 9 na taon mong pagpapaalipin sa corporation. At may makita naman silang picture ng napuntahan mo sa friendster mo. At sa mga taong katulad kong walang asawa, humanda ka na sa tanong na "Kelan ka mag-aasawa?" Sila na ang nagmamadali para sayo. Wagi na ang 30 years old na me masayang pamilya, nakapunta sa europa, me kotse at sariling bahay. Pero di naman ibig sabihin non na talunan na kaming mga wala nyan. Kakainggit no? Pero syempre may ibang sukatan din naman ng pagiging winner. Tulad ng ilan na ba nagtiwala sa'yo na maging pangalawang ina/ama ng anak nila? Ilang staff mo na ang napaimprove mo ang buhay? Ilan sa kanila ang pinapakilala ka sa pamilya nila? Ilan na humingi ng payo syo at nagpasalamat? Ilang sikreto na ba ang pinagkatiwala syo? Ilang beses mong naramdaman na proud ang magulang mo sayo? Ilang beses kang kinonsulta ng magulang mo sa isang malaking desisyon? Ilang beses kang naging inspirasyon? Ilang kaibigan ang itinuturing kang kapatid? Gaano karami ang kwento mong nakaka-touch ng ibang tao?
Korni man pero yaman din 'yan. Parang 'yung story ng sa isang race. Na nadapa ang isang contestant tapos me tumulong sa kanyang isa pang contestant. Kahit hindi nakuha nung tumulong na contestant ang trophy, winner pa din sya. Ganyan ko na lang gugugulin ang next years of my life.
Lampas na pala ng alas dose! 30 years old na ako! Di ko man lang namalayan.
Happy Birthday to me!
Mahaba? Natural! Almost kalahati ng life expectancy ng tao ang ikinukwento ko e tapos mag-eexpect kayo ng maiksi?!?!?! Grow up! Will you!