buhay-buhay
Saturday, September 15, 2007
  Sino ang tatay ko?

Pinorward lang sa akin ito ni kuya who happens to be a father and an OFW in Saudi Arabia.



1980
ako ipinanganak. Tatlong taon bago pinatay si Ninoy Aquino at anim na taon bago ang EDSA uprising. Taon ding ito nang nagkaroon ng malaking krisis sa langis ang buong mundo. P24.00 ang palitan ng dolyar sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Ito rin ang taong unang pumunta ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.


Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker. Malaki ang pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad niya. Sabi ng Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong iyon. Inabot na raw ang
bansa ng economic depression na galing sa Europa at Amerika. Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad. Anupa't dalawa ang pinag-aaral niya at may bago na naman siyang bibig na pakakainin.


Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming magkahiwalay ng tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang buhay." Palibhasa'y parehas galing sa hirap, kaya siguro ganoon na lamang ang pananaw nila. Uuwi kada dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng dalawang buwan. Ganyan ang pattern ng buhay ng tatay ko.


Pumutok ang giyera sa Middle East noong 1989. Doon ko unang narinig ang mga salitang Operation:Desert Storm at Third Anti-Christ. Nandoon din si Tatay. Isang beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon niyang pagkaka-stranded sa bansang iyon. Mabuti naman daw ang lagay niya. May tirahan naman daw sila at husto sa lahat ng pangangailangan. Hindi naman daw sila gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas dahil hindi naman daw sila kasali sa awayan ng dalawang bansa at ng pakialamerong Amerika. Iyon naman pala eh, bakit ka pa rin nandyan?! Na-imagine ko na lang tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na dumadaan habang nakikipagbarilan ako sa larong Operation:Wolf sa SM City. Nang mahawi ang mga usok ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala pang isang taon ay nakita ko na naman ang aking sarili na nakasakay sa arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport papuntang Middle East. Ikaw ba naman ang magkaroon ng pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa sa elementarya. Kailangang kumayod, kailangang kumita.


Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming magkakapatid, lalo na sa akin. Wala siya nang una akong magtalumpati sa entablado. Wala din siya nang grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nito habang binibigay ko ang libreng plastic na singsing na galing sa cheese curls sa kaklase kong babae. Wala din siya para turuan akong magbasketbol tulad ng ginagawa ng mga kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala rin siya para panoorin si Kuya na contestant sa Student Canteen at ako naman para sabitan niya ng medalya para sa mga math competition na sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto ng aking buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad kong nagbibinata--ang magpatuli. Wala rin siya para turuan akong maglanggas ... Wala siya nang kauna-unahang lumabas ang pangalan ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang editor. Ipinagtabi ko siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagdating. Wala siya nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng dinidigahan kong babae. Wala rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos ng dalawang hithit pa lang. Wala siya, wala siya parati.


Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang oras namin sa labas ng bahay at sa eskwelahan. Ang Ate ay kagawad ng Sangguniang Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang kina-career at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.


Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang pagdating ng Tatay at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil hindi na siya babalik ulit sa abroad.


Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay. Sabi ng doktor ay overfatigue lang daw at kailangan niyang magpahinga. Pagkaraan nang ilang buwan, na-diagnose na may tumubong tumor sa utak ng Tatay at malignant na
ito. Minsan naitanong sa akin ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang Tatay o nabagsakan ng mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot sa ulo at isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.


Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun din kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay.

Habang pinagmamasdan ko ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong burol niya, nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito. Siya ang tatay ko. Kalahati ng pagkatao ko ay galing sa kanya. Pero kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng kape, kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel o Purefoods ba ang team niya sa PBA--isang malaking EWAN lang ang maisasagot ko sa iyo.

Noong bata pa ako, nasa abroad ang Tatay. Kapag nandito naman siya para magbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa pag-aasikaso ng mga papeles niya para sa susunod niyang pag-alis. Nang tumigil na siya sa pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical examinations at mga research works. Nang nasa ospital na siya, kahit makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na siya maintindihang magsalita dulot ng chemotherapy.


Matagal nang patay ang Tatay. Minsan nabalitaan kong dumating na ang seaman na tatay ng boss ko, pilit ko siyang pinauuwi nang maaga. Minsan ding buong kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery. Kailangan niyang makabili ng ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin ng tatay niyang na-stroke. Minsan rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng tatay niya na malupit sa kanila nang mahabang panahon at ipinagpalit sila sa ibang babae.

Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa." Syempre hindi ko sinabi iyon sa kanya. Baka mamaya tanungin pa niya ako kung kanino ako kampi, kami
pa ang mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan niya ng pansit ang tatay niya sa City Jail. Hindi naman sila nagtatanong kung bakit ako ganun. Wala naman silang alam kay Tatay.


Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga ang paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil napakahirap ng buhay dito. Sa Amerika ba may tatay na nangingibang-bansa
para makapagtrabaho lang? Naisip ko tuloy na sumama na lang sa mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko tulad ko rin sila. Kadalasan rin sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil kinuha nila ang tatlong
taon sa buhay ng Tatay. Sayang ang tatlong taong iyon. Nakalaro ko man lang sana ang Tatay ng basketbol o di kaya'y naturuan niya akong mag-bike. (Beinte anyos na ko nang matuto mag-bike).


Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung maaari. Bigla tuloy akong nalito. Hindi ko alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko.


Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si Tatay. Isang bagong bayani. Nag-aambag ng malaki sa ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin ko kayang may larawan ng tatay kong may suot na hard hat na dilaw, construction boots at may hawak na drill at kasama niyang nakangiti ang mga kapwa niyang Pilipino with matching background na disyerto. O kaya ang larawan nilang magkakababayan habang pinagdiriwang nila ang New Year at nag-iiyakan dahil tinutugtog and Lupang Hinirang. Ang drama no?


Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay. Na natutulog siya at ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles. Pakita ko kaya ang mga
remembrance ng Tatay na mga dull na landmines. Adventure naman ang dating nito.


Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa pagbibigay ng pangangailangan namin. Hindi kami sumasala sa pagkain, may magagandang damit, maayos na tirahan at nakakapag-aral. Siya ay naging isang good provider. Siguro isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa akin ng mga kaklase ko.


O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy siya. Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga pangyayari. Na inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya. Na nakalabas pa siya ng ospital. Pagkatapos ng isang linggo, agad siyang namatay. Tragic naman ang approach ko nito.


Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na galit sa mundo ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na atensyon dahil inuna ng kanilang tatay ang pinansyal nilang pangangailangan. Teka, hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair naman 'nun kay Tatay.


Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin kay Tatay. Apat na taon ako noon. Malinaw na malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari. Kadarating lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng simpleng party sa bahay. Kainuman niya ang mga kumpare niya nang tumayo siya at binuhat ako mula sa kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong matchbox na pasalubong niya sa akin. Inutusan niya ako na ikuha siya ng beer sa refrigerator. Pagkakuha ko ng beer ay kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga kumpare niya na natanggap na raw ako sa lokal
na Day Care Center dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit idaan pa sa ibabaw ng ulo ko at matatas na ako magsalita at madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa pagkakandong niya.

Mistula siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona. Ako ang kanyang korona.

Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko sa mga taong kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling namin. Mga panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila. Ito na lang ang isusulat ko. Bago ang lahat, pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon. Baka
mapatakan pa ang keyboard ng computer at ang hawak kong picture. Picture ng isang paslit na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.

 
Wednesday, September 05, 2007
  In the right corner...

Hep! hep! September 6 ngayon kaya memorable itong date na ito para sa aming pamilya. Wedding anniversary kasi nila nanay at tatay ngayon. 35 years na silang nagbobolahan. Harharhar!

At dahil anniversary nila ngayon, sila ang ookrayin ko. wahahahahahah!

Umpisahan natin sa paano daw sila nagkakilala.

Magkalapit lang kasi ang baryo nila nanay at tatay e. Si tatay, 7 silang puro lalakeng magkakapatid. Si na nanay naman, 5 na girls at 4 boys. Ang kwento ni tatay, sasamahan daw nya ung panganay nilang manligaw noong makita nya si nanay na nagtitinda ng halo-halo. At don daw unang nagkagusto ang nanay sa kanya. Binigyan sya ng libreng halo-halo! Sabi nya tuloy.. "small but terrible. type na type!"

Pero ang kwento naman ni nanay, nakita daw sya ng tatay na nagtitinda ng halo-halo kasi ung kapatid ni tatay e nanligaw sa kapatid ni nanay (weh.. di sila nagkatuluyan). At don na daw nagsimulang mabighani si tatay sa kanya.

(Sabi ko sa inyo e, matagal na silang nagbobolahan weh. Nyahahahah!)

Next question: Paano sinagot ni nanay si tatay?

Ganito daw ang nangyari, sabi ni tatay.

Tatay: Masama ata ang panahon. Parang nasa balag ako ng alanganin ang aking damdamin.

Nanay: Uu-lan nga...

At un, naintindihan na daw nya na sinagot na sya ni nanay. Nyahahahahah! Galeng ng tatay ko!

Sagot naman ni nanay. Di daw nya sinagot ang tatay. Basta sila na kasi inaya daw sya sa sine e at sumama sya. Wahahahahaha!

Next question: Anong nagustuhan nyo sa isa't isa?

Sagot ni tatay: Long hair daw si nanay and long legs.

Wahahahahah! Si nanay ba talaga dinedescribe ni tatay, e 4'9" lang ang nanay a!?!?!?!?

Sagot naman ni nanay: Malinis sya kahit sa talyer sya nagttrabaho. Pero naloko lang daw sya. Kasi kapag daw dumadalaw e anlinis-linis ng kuko sa kamay pero noong naging asawa na nya, sobrang burara pala!

Depensa ni tatay: E kasi daw bago sya umakyat ng ligaw dati, kinikiskis daw nya ang kamay nya sa puno ng papaya nila. Para pumula ang kamay nya at luminis ang kuko. Wahahahahah!

Pero seryoso, nakailang beses ding isinoli ni nanay si tatay sa mga lola. Kaya lang, di pumayag si Lola. Ayaw na uling tanggapin si tatay. No return, no exchange na talaga. Nyahahahah!

Mabuti na ding ganon ang nangyari. Sa totoo lang, di naman sila perfectly compatible. Si nanay, andami pa ding reklamo sa ugali ni tatay. Naiinis pa din sya sa pagiging burara ni tatay. Si tatay naman, ganon din. Di pa din sya sanay sa "pagiging nagger kuno" ni nanay.

Normal na sa bahay 'ung eksena na, nagsusumbong si nanay sa amin tungkol sa pagiging burara ni tatay. Kami naman kumakampi ke nanay. At tatawa tawang sasagot ng sabay-sabay na "Oo nga.. Ganyan nga 'yang tatay na 'yan!" Nyahahahahah!

Tapos si tatay naman, tatawa-tawa lang na sasabihing.. "Baka gusto nyong di na ako dito matulog." At sasagutin naman ni nanay ng "Lakaad!!!!" (with conviction 'yan! Nyahahahah!)

Pero kapag tulugan na, sila pa din magkatabi. Sila pa din ang nagtitimplahan ng kape, pagkagising. Sila pa din ang nagpapasikatan kung sinong mas magaling na magulang. Sila pa din ang nagrereview ng mga pangarap nila dati noong bago pa lang silang mag-asawa at kung gaano ng pangarap na 'yon ang natupad na nila.

Ganon lang siguro talaga ang pag-ibig. 'Ung tipong, parang sirang plaka ka na sa mga reklamo mo pero at the end of the day sya pa din ang gusto mong makasama. Habang pareho kayong natatawa na sasabihin sa sarili ninyong.. "Magbabago pa kaya ang asawa ko? Hindi na siguro. Aawayin ko na lang sya bukas... Hehehehehe!"

 
Sunday, September 02, 2007
  Tips para makamove on

Kahit naman saan, di mawawalan ng brokenhearts club. kasama na yan sa pagiging hopeless romantic nating mga pinoy. Kaya naisipan kong gumawa ng tips kung paano makamove on.

1. Umiyak ka hanggang gusto mo. Magkulong ka ng bahay! Patugtugin mo lahat ng memorable na kanta ninyo habang inaalala mo kung gaano kayo kasaya habang pinupudpod mo ang kuko nya sa paa gamit ang iyong ngipin. Pagsawaan mo ang paborito nyong kantang "Stupid love" ng Salbakuta hangang sa masabi mo sa sarili mo na "Syete! Ang jologs ko pala! "

2. Magkalat ka ng tsismis para siraan sya. Halimbawa, ipagkalat mo sa opisina na sya lang ang lalaking kilala mo na nagbubunot ng buhok sa kilikili. O kaya naman, sa sobrang baho ng paa ng ex-girlfriend mo iisipin mo na may nakalibing na patay na daga sa dumi ng kuko nya.

3. Magpakalasing ka! Lahat ng uri ng alak ay inumin mo! Gawin mong pang-mumog ang gin sa umaga! Hanggang marealize mo nakamove on ka na pero sa rehab ka mo na lang ipagpapatuloy ang bagong pag-ibig.

4. Sunugin mo ang lahat ng bagay na ibinigay nya sa'yo habang isasambit na parang chant ang katagang "Ampanget panget mo.. Ampanget panget mo..."

5. Pank calls. Bumili ka ng maraming sim card at itext mo ang ex mo ng kung anu-anong messages tulad ng:

"Kukuhakuhanin mo ako. Pagkatapos bibilugin mo lang pala at itatapon sa ere! How dare you!



~sabi ng kulangot"

Kung di ka naman makontento, tawagan mo sya at takutin. Halimbawa:

"Helloooooooooo.... multooooo akooooo... awoooooo....."

6. Let time and God heal you. Lahat naman kayang pagalingin. Kailangan lang isurrender ke Lord. At isiping may plano Siya.

Kung alin jan ang gusto nyong sundin at palagay nyo ay tama, bahala na kayo. Malalaki na tayo parepareho.

"Hearts get broken. It is nothing extra-ordinary but people get obsessed about it. Healing is extra-ordinary though... shouldn't we get obsessed with it more?"

 

My Photo
Name:
Location: malvar, batangas, Philippines

tumatanda pero nananatiling bata.

Archives
September 2005 / October 2005 / November 2005 / June 2007 / July 2007 / August 2007 / September 2007 / October 2007 / November 2007 / December 2007 / January 2008 / February 2008 / September 2008 / November 2008 / December 2008 / January 2009 / February 2009 / March 2009 / April 2009 / May 2009 / July 2009 / September 2009 / January 2010 / June 2010 / September 2010 / January 2011 / June 2011 / November 2016 / March 2018 / February 2019 /


Powered by Blogger

Subscribe to
Posts [Atom]